SOUL-spirations

Pangarap ng Isang Probinsyano

Pritong itlog, sinangag na kanin, at mainit na tsokolate  para sa agahan. Ito ang madalas na hinahanda ng aking lola tuwing umaga bago kami pumasok sa eskwela ng aking kapatid. Short na brown at pantaas na puting damit ang aming uniporme papuntang paaralan.

Maglalakad kami papuntang eskwela… babatiin ang mga kapit-bahay na nagwawalis at nagpapausok ng puno… at dadaan sa tindahan para bumili ng paborito naming tsitsirya bilang aming baon. Patakbong pipila sa gitnang bahagi ng paaralan para sa Pambansang Awit. At matapos neto at ng Panatang Makabayan ay isa isa nang bubuksan ng mga guro ang aming mga bag para inspeksyunin kung lahat kami ay may dalang karit na aming gagamitin sa pagtabas ng damo sa paligid ng eskwelahan.

Ito ang madalas na eksena ng aming pang-araw na buhay mag-aaral sa Cantil, Roxas, Oriental Mindoro. Payak ngunit makabuluhan. Walang makabagong teknolohiya gaya ng mga ginagamit ngayon ng mga kabataan, ngunit noon pa ma’y nahasa na kami sa pagbabasa, pagkakabisa, paggawa ng mga takdang-aralin at maging mga proyektong pangkabuhayan na noo’y pinapagawa sa amin. Doon nahasa ang aming galing, ang kaisipang malikhain, ang paggawa gamit ang kamay at anumang mayroon sa aming paligid. Maging ang pagbabasa gamit ang aandap-andap na munting ilaw na gasera sa ibabaw ng baul na paborito kong gawing mesa ay isa pa ring malinaw na imahe ng kung gaano ko kagustong matuto at mag-aral.

Wala kaming masyadong alam tungkol sa Maynila at ang computer ay nakikita lamang sa telebisyon, naalala ko pang gumuguhit lamang ako ng mga letra sa papel na aking nilalaro bilang keyboard… gumagamit ng mga perang papel na animo’y isang empeyado sa bangko, at ang aming maliit na silid ay ginagawang maliit na opisina… isang malikhaing mundo, ng isang batang matayog ang pangarap.

Naaala ko pa rin ung mga hapon na tatakbo kami sa bintana ng aming kaibigan na ang bahay ay yari sa semento. Sila lamang halos ang mayroon telebisyon noon… bagamat hindi ito colored ay napupuno ang kanilang balkonahe ng mga kabitbahay na sabik mapanood ang noo’y sikat na palabas sa telebisyon tuwing hapon, Ang Alamat Ni Moises – na kung ihahalintulad ay hawig sa tema ng makabagong palabas na May Bukas Pa at Nathaniel.

At sino nga ba ang makakalimot sa mga eksena sa palayan lalo na tuwing tag-ani. Na habang abala ang mga magsasaka sa pag hihiwalay ng palay at dayami (nakalimutan ko na ang tawag sa makinang ginagamit nila noon), kaming mga kabataan naman ay makukulit na naglalaro at tumatambling sa mga umpok ng tuyong dayami at sa huli’y kanya-kanyang magpupulot ng mga palay na natapon upang makaipon ng isang salop at maipampalit sa isang supot ng tinapay.

Higit sa lahat, ang mga liham kay nanay na sinusulat ko sa dilaw na papel upang ilahad ang aking lungkot… aking mga hiling. Mahilig akong humingi ng mga gamit sa eskwela gaya ng mga makukulay na lapis, magarang lalagyan ng mga lapis na may magnifying glass pa, mga pantasang me ibang ibang hugis, mga kwaderno at coloring books na galing pang Manila (huli ko nang malaman na sa Divisoria pala ito lahat nabibili ng Nanay ko). Ito lahat ay kanyang ipampapasalubong sa amin sa kanyang pag-uwi sa Mindoro tuwing mabibigyan sya ng bakasyon sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Laloma. Ang bawat padating na tricyle ay isang tunog na pinakakaabangan naming magkakapatid. Minsan hindi pa pala, ngunit pag dumating na nga ay dali-dali kaming tatakbo papunta sa kanya. Sabay yakap at kuha sa mga bagaheng siguradong dala ang mga biniling padala. Sa bahay ay kanya-kanya kaming bukas sa mga bag hanap ang mga pangalan namin sa mga nakaplastik na nakahiwalay na’t masinop na inayos ng aking Nanay. Sobrang saya… galak na di mo mawari.

Ang bawat araw na nandun si Nanay ay araw na pinakamasaya… suot ang bagong damit papunta sa bayan para mamasyal at magsimba. Pero ang pinaka nakakalungkot naman ay ang bawat araw ng kanyang pag-alis. Iyak, hikbi… halos tanawin ko pa ang mga bundok hanggat sa abot ng aking paningin habang tumatangis sa ibabaw ng punong mangga. Waring sumisigaw ng pagtawag sa Ina… na nagsasabing balik kayo kaagad… balik kayo ulit.

Ito ang inspirasyon ko sa aking pag-aaral noon. Sinabi ko sa aking sarili na balang araw ay makikita ko rin ang Maynila. Na magagawa ko rin ang mga bagay na noon ay nababasa ko lamang sa komiks o napapanood sa telebisyon. Mapupuntahan ko rin ang mga lugar na nakikita ko lamang sa mga libro. At makakain ko rin ang mga bagay na hindi ko pa nakakain sa tanang buhay ko noon. Simpleng pangarap kung titingnan ng marami. Ngunit sa isang batang paslit na lumaki sa probinsya… lahat ito ay imahinasyon. Mga imposible na maging sa hinagap ay hindi ko maiisip na maaring magkatotoo at maaring matupad. Dahil noo’y ang pakiramdam ko, ang mundo ko’y nakasadlak na sa kung saan man ako naroon. At kung magkatotoo man ito… malamang ay sa panaginip lamang.

Kaya lahat ng mayroon ako ngayon ay isang malaking biyaya. Pagkakataong binigay sa akin ng Maykapal at bunga ng pagsisikap ng aking Ina. Isang katotohanang bunga ng pagtitiyaga at determinasyong makaahon at magkaroon ng mas maayos na buhay. Malayo na nga rin ang aking nilakbay. Di ba nga’t kailangan mo pang mag barko at sumakay ng eroplano para makating ng Doha mula Cantil at Maynila?

Siguro para sa marami, ito’y isang kababawan. Sa iba, baka maisip nila na parang ang simple. Ngunit ngayon, habang nakikita ko ang mga larawan sa Facebook kuha mula sa aming lugar, totoong marami na ring nagbago. Marami na ring bahay na bato. Pero alam kong meron pa ring mga batang nangangarap ng kagaya ng pangarap ko noon. Hindi para kalimutan ang kanilang pinagmulan ngunit para iwan ang buhay na kinalakhan at makatikim ng buhay na mas maginhawa… na malayo sa buhay probinsya.

Alam kong meron pang mga bata na may matayog na pangarap na kagaya ko. At gusto ko silang makilala pag-uwi ko. Para sabihin ko sa kanila na ang panaginip ay totoo… at ang magarap ay libre. Dahil gaya nila, nangarap lang din ako… isang suntok sa bwan… hanggang lumawak ang aking mundo.

Leave a Reply

%d bloggers like this: