My-musings

KWENTO NG LAKI SA LOLA: A Special Tribute Blog post [in Tagalog]

Hindi kami laki sa layaw. And totoo, laki talaga kami sa hirap. Yung level na hindi naman sobrang hirap kasi kumakain naman kami ng tatlong beses isang araw. Pero yung simpleng buhay sa probinsya na for sure, madaming kabataan ngayon ang hindi makaka-adapt. Buhay-bukid. Bahay kubo. Simpleng buhay.

Yan ang kabataang aking kinamulatan matapos maghiwalay ang aming mga magulang. Anim na taong gulang ako noong napilitan kaming umuwi ng probinsya sakay ng noo’y maliit na bangkang de motor mula Batangas hanggang Calapan (di pa uso ang SuperCat at sobrang mahal pa noon ng malalaking barko). Iyak. Takot. Lito. Yan ang mga noo’y pumapasok sa walang malay kong kaisipan.

Mula buhay Maynila noong pagkabata, hanggang sa lumaki’t makatapos ng elemetarya sa Mababang Paaralan ng Cantil, hinubog ako ng aking Lola. Si Lola Tiyang. Kilala s’ya sa aming barangay bilang matapang (pero di nang-aaway – wala akong alam na nakaaway nya), masipag… kayod-kalabaw kung magtrabaho, walang reklamo. Sobra rin syang protective sa amin. Dala na rin siguro ng pangakong responsibilidad sa aming Nanay na alagaan kami habang sya ay nagtatrabaho sa Maynila. Kaya ganun nalang kung kami ay bantayan.

Pag inabot kami ng gabi sa kalsada, asahan mong me tatawag na samin: “Etchikel! Yujin! Hindi pa kayo uuwi?” Sabay kaway ng hawak na walis. Hindi kami madalas nakakatanggap ng palo… dahil mabilis kaming tumakbo. Pero asahan mong makakarinig kami ng mahabang lintanya habang kumakain… “Yung Nanay nyo nagpapakahirap sa Maynila, etc… etc…”

Pero sa kabila noon. Ang kabataan namin sa Mindoro ang matuturing kong pinakamakulay sa lahat. First honor ako mula Grade 1 hanggang gumradweyt ng Valendictorian. Hindi nya kami natutulungan sa pag-aaral pero yung sipag nya at pag-aalaga ang nagtutulak sa aming magpursigi kahit na ang ilaw na lampara lang ang gamit namin habang nagaaral sa ibabaw ng aming baul na damitan (sa mga kabataan ngayun, wala kasi kaming cabinet noon kaya meron kaming wooden trunk kung saan sinulat pa ng Nanay ko ang birthday ng lahat ng anak ni Lola Tiyang para di nya makalimutan).

Totoo yung pagsusunog ng kilay… tsaka pangingitim ng ilong dahil sa gaserang ilawan. Madalas, papaalalahan pa ako ni Lola na patayin agad ang ilaw pagkatapos mag-aral dahil mauubos ang gaas!

Matutulog kaming magkakatabi sa banig na nakalatag sa sahig na kawayan. Walang kutson… kaya for sure, yung mga kabataan ngayon, di ito matatagalan. Wala rin kaming aircon (imagine nyo ang bahay kubo na may aircon di ba?) pero meron kaming pamaypay kung mainitan. Lagi kaming may kulambo.. kasi malamok… at yung kapatid ko, gusto nyang pampatulog yung kinukoskos yung paa sa dulo ng kulambo (tass ang kamay nang nakaka-relate!). At sa isang maliit na radio lang kami nakikinig ng balita, pati mga dulang katatakutan (sikat na sikat ang Gabi ng Lagim noon)… hanggang makatulog.

Pero sa lahat ng kasimplehan ng pamumuhay noon, doon ko naisip na mangarap. Sa ibabaw ng punong mangga namin tuwing hapon, lagi kong tinatanaw ang bundok sa dulo ng palayan. Ganu kaya sya kalayo papuntang Maynila? Hanggang kelan kaya kami maninirahan sa Mindoro? May pagkakataon kayang maayos pa ang buhay namin? Yan ang mga tanong ko noon… parang walang pag-asa.

Naalala ko pa na madalas kaming nangangapitbahay dahil madalas na may bagong laruan galing Australia yung isa naming kapitbahay na mayaman kung saan din kami nakikinood ng telebisyon. Naaalala ko rin na parang nagdadala pa ako ng tubo (sugar cane) para may dahilan na pumunta sa kanila (medyo marunong na rin pala akong mag-strategize noon, hehehe). Naiingiit din kami kasi meron silang computer (dati yung malaki pa ang likod ng monitor). Kaya ang ginawa ko noon paguwi ng bahay, nagdrawing ako ng keyboard at monitor at kunyari meron din akong computer.

Meron din kaming isa pang kapitbahay na ang Nanay ay nagtatrabaho sa Singapore kaya may magaganda silang libro tuwing sya ay magpapadala. Kung sabagay, nagpapadala naman ang Nanay ko mula Maynila, pero iba yung galing ibang bansa, imported eh. Bilang bata, lagi kang may inggit sa katawan. Lagi mong kinukompara yung meron ang iba at yung wala ka.

Pero noong lumaki na ako at unting-unting nagkaisip, habang nakikita ko kung gaano kahirap ung ginagawa ni Lola para sa amin, naiisip ko lalong umalis. Tinanim ko sa isip ko na hindi ako magtatagal sa lugar na yun at kailangan ko baguhin ang buhay ko. Ayokong manguha ng talaba sa maputik na palaisdaan hanggang masugatan ang paa. Ayokong magdamo ng palayan ng iba. Ayokong umani at kumita lang ng kaunti. Ayoko nang buhay na hindi nakakabili ng mga gusto ko. Naalala ko pa na kumukupit pa ako ng pera sa Tito ko at nangunguha ng itlog ng bibe ni Lola para makabili ng gusto kong titserya (kaya ako nakakatanggap ng matinding palo at parusa noon). Kaya sabi ko noon, ayoko na!

Pero habang inaalala ko ang mga iyon, hindi ko lubos maisip kung paano nya pinagtatyagaan ng Lola Tiyang ko. May pitong anak na nasa iba’t ibang lugar na, balo (widow), at mag-isa. Naalala ko rin na minsan umiiyak nalang sya sa hapon habang umiinom ng paborito nyang tuba (fermented drink from the sap of coconut tree). Huli na nang marealize ko yung lungkot ng buhay nyang mag-isa. Although madalas nyang sinasabi sa amin na gusto nya mag-asawa ng Amerikano, alam ko kung gaano nya kamahal ang bawat anak nya dahil sa mga luhang pumapatak sa mga pagkakataong nasasambit ang mga pangalan nila… o mabubuksan ang baol kung saan ito nakalista.

Habang nakikita ko ang kulubot na kamay at paang pinatigas na ng lahat ng pagsubok, tsaka ko naiisip kung gaano ako kaduwag. Habang inaamoy ko ang buhok nya na amoy araw pa rin kahit nasa higaan na kami, naisip ko kung gaano kahina ang aking loob. Ngunit ito rin ang nagpapatibay ng kagustuhan kong makawala sa ganung buhay.

Lagi nyang  nasasambit habang kami ay nagluluto sa lutuang kahoy o nagpapakain ng mga alagang itik at baboy… na mag-aral kami ng mabuti para gumihawa ang aming buhay. Sobrang simpleng kataga, paulit-ulit. Pero huli ko na naisip na habang abala ako sa pagrereklamo sa buhay, ay patuloy nila kaming tinutulak sa aming mga pangarap. Kasama ng Nanay ko na nagtatrabaho sa Maynila, handa silang maglakad at kalungin kami para di kami mapagod at wag masugatan ang aming mga paa. Handa silang masugatan ang kanilang mga kamay makakuha lang ng pagkain para di kami magutom. Handa silang isantabi ang kanilang kaligayahan at pagulungin ang araw hangga’t matapos namin ang aming pag-aaral.

Pakiramdam ko, hindi ako naging mabuting anak. Pakiramdam ko, hndi ako naging mabuting apo. Hindi ko naibigay ang magandang buhay na pinangarap ko para sa kanila at nagkaroon na rin ako ng sariling pamilya sa murang edad. Hindi ko man lang sila nadala kahit sa Hongkong… (e kasi naman apakahirap ng mga pinanganak sa hilot, wala parehong birth certificate and Nanay at Lola ko).

Kasabay ng kanyang pagtanda at pagiging ulyanin and hirap na iparamdam sa kanya ang konting riwasa ng buhay. Takot syang pumunta sa condo ko kasi ayaw nyang sumakay sa elevator at sobra daw taas ng 18th floor. Hindi sya mahilig magswimming at bawal rin naman ang nakaduster sa pool. Hindi nya trip ang pagkain sa mall kasi mas gusto pa rin nya ang tuyo at bagoong. Ayaw nya magpalinis ng kuko… este hindi ko rin sure kung kaya ng manikurista yung paa nya. Ayaw nya rin mamili ng damit kasi bawat makita ang presyo ay pinapagalitan ako, nagyayayang umuwi na!

Lumipas ang mga taon at lumalaki na rin ang mga anak ko, naalala ko, hindi ko na rin sya nababantayan. Saludo ako sa Tito at Tita ko na matyagang nag-aalaga sa kanya hanggang sa huli. Pero ayoko na magsisi. Naiiyak ko na lahat kay Nanay. Pero habang sinusulat ko to, naiiyak pa rin ako.

Siguro, ang sasabihin ko nalang ay SALAMAT.

Salamat po “La” sa lahat. Sa pagpapalaki sa amin ng tama. Sa pangaral at di pagpapabaya sa amin noon maliit pa kami. Pwede kayong magsugal, uminom, o gawin ang gusto nyo, pero pinili nyong maging mabuting halimbawa sa amin… kahit malungkot kayo at nahihirapan. Salamat dahil sa inyo, natututo akong mangarap… dahil sa inyo napapahalagahan namin ang lahat ng perang aming pinaghihirapan kaya kahit paano’y nakapagpundar ng konte. Sa inyo ko namana ang sipag, tyaga… pero ba’t hindi nyo ako pinasahan ng pasensya? Hehehe. Kasi, kayo ang pinaka-pasensyosang taong kilala ko, kayo ni Nanay. Kikimkimin lahat (tapos samin ibubuntong ang galit, hahaha).

Pero sa kabila ng hirap, yung buhay pa rin natin sa Mindoro ang paulit ulit kong ikukwento sa mga anak ko. Dahil yun pa rin ang isa sa pinaka masasayang yugto ng aking pagkabata. At masaya po kami ng kapatid ko na naranasan naming iyon sa piling ninyo.

LAKI KAMI SA LOLA. Laki sa palo at pangaral. Pero taas noo kong sasabihin na kahit sino pa man ang kausap namin… hanggang ngayon, di pa rin nawawala ang “PO” at “OPO”. At siguro hangga’t tumanda ako… mas nanaiisin kong bumalik sa simpleng buhay na kinalakihan ko. Mga Tagaytay peg, ganyan –hehehe. Pero bago pa yun, magsisipag muna. Magpupundar hangga’t anu ang makakaya para masiguro ang kinabukasan ng mga anak. At pagkatapos noon… siguro magiging lolo sa aking mga apo, at ipapasa ang mga ginintuang pamana ng aking Lola Tiyang.

In memoriam:

“LOLA TIYANG”

Matea Fodra Hernandez

1932 – 2021

1 comment

  1. Very inspiring message. No pain no gain. Mas maganda pa din buhay nun kahit mahirap kaysa sa ngayon. Mga kabataan for sure di basta makatayo pag nadapa. Puro gadgets na din etc. Condolence.

Leave a Reply

%d bloggers like this: