Isang daang araw bago ang araw ng halalan, marami sa ating mga Pinoy ay malamang nakapagdesisyon na kung sino ang iboboto. Pero may mga mangilan-ngilan pa rin na hindi pa nakakapagdesisyon. Kung nasaan man tayo ngayon, gamitin natin ang natitirang tatlong buwan upang manaliksik, magmatyag, magbasa at sa dulo ay magdesisyon.

Ayon sa mga reports, noong 2016 Presidential election kung saan nanalo ang kasalukuyang Pangulo na si Pang. Rodrigo Duterte, ay lampas 55 milyon ang registered voters:
- 54,363,844 registered voters nationwide
- 1,376,067 registered overseas Filipino voters (OFV)
Sa kabuuang bilang na ito ay nagtala ng 81% turnout of voters na ayon sa Commission Election (COMELEC) ay “record-breaking figure at least in the context of automated elections”.
Ngayong 2022 ay nakapagtala ang COMELEC ng mahigit 67 million registered voters. Sa kabila ng umiiral na mga COVID 19 restrictions, ay inaasahan pa rin na malaki ang magiging turnout ng registered voters to actual votes sa darating na May 9, 2022 election.
Ngunit sa kabila ng maraming pangamba dala na rin sa mga kasulukuyang nagaganap, hindi lang malinaw kung gaano kaupdated ang 67 million registered voters (old registrants and new voters na nagparehistro lamang noong nakaraang 2021) sa kabila ng mga paulit ulit na balita tungkol sa matagal nang patay na nakakaboto pa, at mga palipat-lipat ng tirahan, kabilang na rin ang mga napapanahong paggamit ng teknolohiya at social media. Mahalaga sa pag-aaral ng bawat istatistika na malaman ang accuracy rate ng mga numero dahil dito nakasalalay ang accuracy rin ng magiging resulta ng anumang survey o halalan.
Ganun pa man, hinihikayat ang lahat na maging aktibo sa pakikilahok sa darating na eleksyon dahil ang mahahalal na mga mamumuno ng ating bayan ay may mas mabigat na kakaharapin kaysa sa mga nakaraang administrasyon hindi lang tungkol sa ating pagbabayad ng utang panlabas, sa ating domestic economy, ngunit maging ang pangkasaluykuyang COVID recovery plan ng bansa.
Nawa ay pag-aralan nating mabuti kung sino sa tingin natin ang may mas kakayahang gampanan ang lahat ng ito ayun sa kanilang kapasidad at karanasan. Mahalaga rin ang mga taong nakapaligid sa magiging pangulo (VP, Senators, etc) dahil dito rin nakasalalay kung magagampanan nya ng maayos at patas ang bawat hakbang sa pagbabagong nais nyang magawa. Baunin natin ang mga natutunan natin sa nakaraan… ipagpatuloy ang mga tamang nasimulan at baguhin ang mga maling desisyon… dahil ang bawat eleksyon ay CHANCE na itama natin ang kalagayan ng ating bansa.
Marahil nga ay walang TAMANG LIDER na malalagay sa ating pamahalaan… ngayon man o sa malapit na hinarap… dahil tayo ay isang bansang pinag-hiwa-hiwalay ng magkakaibang pananaw. At hangga’t hindi ito nagkakaisa ay patuloy na magiging magulo at masalimuot ang pamamalakad ng kahit na sinumang mahahalal na mga pinuno (administrasyon o oposisyon).
Sa aking palagay, bukod sa kahirapan at kurapsyon na malaking problem ng ating bayan… ang pagkakawatak-watak natin ang isa sa problemang kinakaharap natin ngayon. Laging may pagtatalo sa bawat isyu, at hindi iisa ang ating standard ng tama at mali, alin at ano ang katanggap tanggap at hindi. Maging ang mga matatalino sa batas ay magkakaiba ng pananaw… maging ang mga relihiyoso at mga mananampalataya ay magkakaiba ng paniniwala.
NGUNIT SA KABILA NG LAHAT NG ITO, maliit man ang boses mo, ay malaya mo itong maisisigaw sa balota. Walang bahid ng takot at pangamba… ng pangungutya o pambabatikos. Ngunit puno ng pag-asa at pananampalataya sa Diyos na ang boto mo ay maliit na ambag tungo sa pagbabago. Manalo man o matalo ang kandidatong iyong binoto, naniniwala tayong ito ang KALAYAAN at KAPANGYARIHANG binigay sa atin, hindi lang ng Saligang Batas ng Pilipinas kundi ng Diyos.
VOTE OF CONFIDENCE. Hindi naman din natin mahahawakan ang mga desisyon ng mga mananalong kandito sa loob ng 6 na taon. Dalawa lang naman ang pwedeng mangyari: mabigo tayo dahil sa maling akala… o matuwa tayo sa nangyayari dahil ito naman ang ating inaasahan.
May dahilan kung bakit SECRET and botohan. Binoboto lang naman natin sila sa paniniwala natin sa kanilang galing sa pamamalakad. Kaya mahalagang suriing mabuti ang totoong nasa puso nila, at totoong nasa isip ng bawat kandidato. Cliche as it may sound… pero kailangan talaga nating pairalin ang KUTOB na base sa ating masuring pagsisiyasat. Ngayon palang ay may mga makikita na tayong mga sinyales at palatandaan ng paano sila mamumuno, base na rin sa mga naririnig natin mismo sa kanila.
Kaya anuman ang gawin nila kung sila man ang mahalal ay pawang sila lang ang may alam. Hindi tayo pwedeng magsisihan. Sa ngayon, bomoboto lang tayo ayon sa ating kumpyansa (confidence) sa kanila… at nasa sa kanila na ‘yun kung ganu nila ito pahahalagahan. Ang importante ay maayos pa rin tayo sa trabaho… sa pakikitungo sa kapwa-tao… sa pagbibigay ng opinyon at kuru-kuro… at sa pagpapahayag ng ating mga nasa loob.
Sa pagibig man… sa trabaho… sa negosyo… o maging sa iyong pagboto… kanino ka tataya?
COVER PHOTO: Photo by Edmond Dantès from Pexels
SOURCES (figures are referenced on available printed resources):